Pages

EDSA-BUENDIA

Malapit nang mag-alas tres ng hapon.

Bakit nga ba parang  ang bigat ng tingin ko sa aking paligid.  Pakiramdam ko'y parang dumadaan lang ng walang katuturan ang oras.  Ang tingin ko sa paligid ay parang 3D na malabo.    Haos aninag ko lang ang bawat bagay na aking binabagtas.

Nasa kahabaan akong EDSA patungong airport.  Sakay ko ang mag-inang di ko mawari kong mga Amerikano o Pilipino.  Ingles kasi ng Ingles.  "Yes Ma'm, Yes Sir" lang naman ang alam kong isagot sa mga tanong ng babae..  Gusto ba naman ay paliparin ko ang taxi dahil male-late na raw sila sa flight nila sa Bacolod.

Hmmm.....  Di kaya nila nakikita o nararamdaman  kung gaano na kami kabilis at  mas mabilis pa ang gusto?

Nasa tapat na kami ng isang gasolinahan  sa kanto ng Buendia nang biglang may sumabog.

"Boommmmm!"

Napakalakas no'n para marinig ko pa mula sa loob ng taxi na selyado ang mga bintana.

Natakot ang mga sakay ko. Kita ko sa salamin kung gaano kalaki ang mga mata nila.

Tingin ko sa labas ay tumigil ang mundo.  Ang mga tao'y nangatigil at lahat ay nakatingin sa iisang banda.  Wari ko'y slow motion ang bawat galaw ng mga tao at mga sasakyan. 

Balik normal ang paningin ko sa labas. Parang automatic na nagtigilan ang mga sasakyan. Kitang-kita ko kung paano magkagulo ang mga tao sa north-bound lane ng EDSA.

'Yong bus, sumabog."  Hiyawan ang mga tao.

Ilang sandali pa'y di na gumagalaw ang mga sasakyan, lalo na sa kabilang linya patunging Cubao.

Agad na rumesponde ang mga pulis at mga taga MMDA na nasa paligd.  Tanaw ko:  butas ang gitna ng bus. 

Unti-unti namang umusad ang mga sasakyan sa bahagi namin subalit ang kabilang linya ay di na gumagalaw sa sobrang traffic.

92.3 agad ako.  Wala pang balita.  Subalit mayamaya lamang ay nag-flash report ang isang reporter at nagbigay ng impormasyon tungkol sa naganap na pagsabog.

Di makapagsalita ang aking mga pasahero.

Sa wakas, narating din namin ang airport matapos ang isang nakakabagabag na pangyayari kani-kanina lamang.

"Na-late po ba kayo?  bulalas ko sa mga pasahero ko.  'Di sila sumagot.   'Di ko tuloy  alam kung naintindihan nila ang Tagalog ko.  "I hope we made it...."  bulalas ko uli na may ngiti sa labi.  Ngumiti sila sabay abot ng 20 pesos.  "Salamat..."  bigkas ng babae.

Iniwasan ko ang EDSA.  Dumaan ako sa C5 pabalik sa QC.

Ayon sa radyo, 5 ang kumpirmadong  namatay sa pagsabog.  Limang walang kamuwang-muwang sa naganap. Limang kaluluwang ayon sa balita'y lumuwas lamang para maghanap ng trabaho sa Makati, at mga earners ng kani-kanilang mga pamilya.  Limang kaluluwang kagaya natin ay may mga pangarap. . .

Galicia

5:10 N.U.
Cubao.  Malapit sa isang estasyon ng mga bus na galing norte.

Isang matandang babae ang pumara sa aking taxi.  May balabal na nakatali sa kanyang baywang at halatang galing sa biyahe.  May dala din siyang isang bayong na parang puno ng gulay.  Dahan-dahan ko siyang tinabihan at tinigilan.  Nagsasalita siya pero di ko marinig dahil nakasara pa ang aking bintana.  Ibinaba ko ito.

"Amang, pwede mo ba akong ihatid idiay Sampaloc?", malamlam kanyang  mga mata  habang bitbit ang kanyang bayong.
"Saan po doon?" ang tanong ko.
Sa Galicia daw ang kanyang punta.  Binabagtas na namin ang  Aurora Boulevard nang nagsalita syang muli.
"Anak, 'wag mo akong ililigaw, hane!  Alam ko ang pasikot-sikot dito sa Maynila.  Ammok!"

Napanginti ako sa kanya.  Tinangka kong linisin ang maling pagkakilala ng mga tao sa mga Taxi Drivers.

"Wag po kayong mag-alala, lola.  Hindi po lahat nang mga Taxi Drivers ay gano'n para lang kumita."
 Nasa gate ng boarding house ang kaniyang anak nang dumating kami sa Galicia.  Kumukuha pala ito ng Commerce sa UST.  "Napakatalino ng anak kong 'yon, " pagbibida ng lola kanina.

Pagbaba ng matanda, inabutan pa nya ako ng dalawang piraso ng malalaking mangga.  

"Salamat po, "  bulalas ko.

Binagtas ko ang Quezon avenue papuntang Quiapo pagkatapos.